16 katao sugatan sa landmine attack
MANILA, Philippines - Nasugatan ang nasa 16 katao kabilang ang 11 sundalo at 5 sibilyan matapos masabugan ng dalawang insidente ng landmine ng mga New People’s Army (NPA) rebels sa Bansalan, Davao del Sur.
Batay sa ulat bandang alas-11:30 ng umaga noong Linggo nang pasabugan ng landmine ng NPA Guerilla Front 51 ng Southern Mindanao Regional Committee ang tropa ng Army’s 39th Infantry Battalion (IB) na nauwi sa bakbakan na ikinasugat ng 11 sundalo.
Kinilala ang ilan sa mga nasugatan na sina Lt. Ian Roger Ngalew; mga kasamahan na nakilala sa mga apelyidong Cpl. Espina; Cpl. Imar; Pfc De Guzman; Pfc Adam; Pfc Mamalinta; Pvt. Gella; Pvt. Reynalda at iba pa.
Sa ulat ni Captain William Rodriguez, Civil Military Operations (CMO) Officer ng Army’s 1002nd Infantry Brigade (IB) na ang mga sundalo ay nagtungo sa Sitio Don Carlos, Brgy. Managa nang makasagupa ang mga rebeldeng komunista sa pamumuno ng isang alyas Ka Rangrang.
Matapos ang insidente, dakong alas-7:30 ng gabi ay nagpunta ang ambulansiya na kinalululanan ng mga sibilyang volunteers ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) at Philippine National Red Cross (PNRC), para sunduin ang mga nasugatan sundalo at pagsapit sa highway ng Sitio Tower, Brgy. Managa, Bansalan ay nasabugan din ito ng landmine na ikinasugat ng 5 sibilyan na sakay ng ambulansiya.
- Latest