Mini bus nahulog sa Skyway, 9 sugatan
MANILA, Philippines - Siyam na katao ang sugatan kabilang na ang driver ng isang service shuttle mini bus nang mahulog ito sa Skyway makaraang salpukin ng isang Sport Utility Vehicle (SUV) kahapon ng umaga sa boundary ng Parañaque at Taguig City.
Nilalapatan ngayon ng lunas sa Taguig-Pateros District Hospital ang driver ng Skyway MaÂnagement na si Alan Nopal, 34-anyos, nagtamo ng sugat sa katawan.
Sugatan din ang mga sakay ng kulay itim na Toyota Fortuner, na may plakang UXQ-851 na ang isa ay nakilalang si Camille Capile, 21-anyos at pito nitong kasama na hindi na tinukoy ang mga pangalan.
Ayon kay Louie Maralit, hepe ng Skyway Management and Security Division, naganap ang insidente dakong alas-5:17 ng umaga sa tapat ng Sun Valley, Bicutan, boundary ng Parañaque at Taguig City.
Nabatid na nahulog ang shuttle bus na gaÂling sa eleÂvated portion ng Skyway nang mawalan ng kontrol sa preno ang driver nitong si Nopal matapos banggain ng Toyota Fortuner.
Ang nasabing shuttle bus ay service ng mga kawani at teller ng Skyway Management.
Dahil sa aksidente ay nasira ang railings sa Skyway at tinatayang nasa 10 hanggang 15 talampakan ang taas nang kinabagsakan ng naturang shuttle bus.
Wasak na wasak naman ang harapan ng SUV at ang walong sakay nito ay pauwi na sa Laguna matapos manggaling sa Baguio nang maganap ang aksidente. Masuwerte naman na walang nabagsakan ang mini bus nang ito ay mahulog sa Skyway.
Matatandaan, na noong Disyembre 2013 ay mahulog din sa Skyway ang Don Mariano Bus na ikinasawi ng 20 katao.
- Latest






















