Titser inireklamo ng sexual harassment
MANILA, Philippines - Nahaharap ngayon sa kasong sexual harassment at child abuse ang isang guro sa araling Physics matapos ireklamo ng isang 15-anyos na dalagita ng pangmumolestiya sa loob ng kanilang classroom sa Lian, Batangas.
Kinilala ang inireklamong suspek na si Jeeper Bisnan, may-asawa at residente ng Brgy. Luna, Tuy, Batangas.
Sa reklamo ng estudyante na itinago sa pangalang Luzviminda, ng Lian, Batangas na naganap ang unang insidente sa kanilang silid-aralan sa Lian Institute, Lian, Batangas dakong alas-5:30 ng hapon kung saan ay tinakot pa umano siya ng suspek na ibabagsak kapag pumalag at nagsumbong.
Gayunman sa kanilang periodical test kamakailan ay inutusan siya ng suspek na pumasok sa kanilang silid aralan habang nagsiuwian na ang kaniyang mga kaklase.
Dito na muling siniil ng halik sa labi ng guro ang dalagita at muling pinaglalamas sa maseselang bahagi ng katawan kaya’t pag-uwi sa bahay ay ipinagtapat nito sa kaanak ang insidente na nagbunsod upang ipagharap ng reklamo ang guro sa pulisya kamakalawa.
Ipinagharap na rin ng kasong sexual harassment at child abuse ang nasabing guro sa Provincial Prosecutor’s Office ng Balayan, Batangas.
Nang malaman ng guro na siya ay inireklamo ay hindi na ito pumasok sa eskwelahan.
- Latest
- Trending