Magdedeposito sana sa bangko... empleyada utas sa P.4-M Holdap
MANILA, Philippines - Pinagbabaril ng dalaÂwang lalaki na sakay ng motorsiklo ang isang empleyada ng sanglaan matapos na manlaban ito at ayaw ibigay ang dalang bag na pera na ideÂdeposito sana sa bangko kahapon ng umaga sa Makati City.
Namatay noon din dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima na kinilalang si Raquel Ricafrente, nasa hustong gulang at empleyada ng Tambunting Pawnshop na matatagpuan sa Calatagan St., Brgy.Palanan ng lungsod.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-11:00 ng umaga ay ideÂdeposito sa bangko ng biktima ang P400,000 na kinita ng sanglaan.
Hindi pa nakakalayo ang biktima sa sanglaan ay hinarang ito ng dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo at pilit na hinablot ang bag.
Dito ay nakipag-agawan ang biktima at ayaw ibigay ang dalang bag hanggang sa pagbabarilin ito ng mga suspek na agad nitong ikinasawi.
Sa taranta ng mga suspek sa pagtakas ay hindi nito natangay ang bag ng biktima.
Ilang saksi ang nagpahayag sa pulisya na nagtamo rin ng tama ng bala ang gunman nang aksidenteng pumutok ang baril nito habang isinusukbit sa tagiliran.
Kaya’t ginagalugad ngayon ng pulisya ang mga klinika at pagamutan sa pag-asa na dalhin ito ng kasamahan.
Sa kasalukuyan ay inaalam naman ng pulisya ang eksaktong halaga ng perang laman ng bag makaraang P130,000 na lamang ang marekober sa loob nito.
- Latest
- Trending