9 Badjao minasaker ng pirata

MANILA, Philippines - Pinagbabaril at napatay ng mga pirata ang 9 na  katutubong Badjao habang lulan ng tatlong pumpboats sa karagatan ng Oluntanga Island, Zamboanga Zibugay noong araw ng Pasko.

Kasalukuyan pang inaalam ang pangalan ng mga nasawing biktima na pawang tinadtad ng bala ng automatic rifles. 

Nasugatan naman sina Loli at Muksin Ambasal at residente sa nasabing isla na kasalukuyan na nilalapatan ng lunas sa Zamboanga City Medical Center.

Sa inisyal na ulat ng Police Regional Office (PRO) 9, dakong alas-10:00 ng gabi ay lulan ng tatlong pumpboat ang mga biktima na mula sa lipi ng mga katutubong Badjao  at residente ng Brgy. Sangali na nagtungo sa karagatan ng Talusan sa Olutanga Island upang mangisda nitong Pasko.

Habang kasalukuyang nangingisda ay biglang dumating ang mga armadong suspek na lulan rin ng pumpboats at walang sabi-sabing pinagbabaril ang mga biktima at ang dalawa na nakaligtas ay nagpatay-patayan.

Nang umalis na ang mga suspek ay tumalon sa pumpboats ang dalawang survivor na naglangoy gamit ang styrofoam patungo sa dalampasigan at humingi ng tulong.

Patuloy  ang imbes­tigasyon ng mga otoridad upang matukoy kung anong grupo ng mga armado ang sangkot sa masaker at  kabilang sa pinaghihinalaan ay ang mga bandidong Abu Sayyaf Group at ang mga piratang dumarayo sa lugar.

Show comments