Suspek sa pyramid scam: Ex-mayor, misis huli sa NBI
MANILA, Philippines - Huli sa mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) si dating Pagadian City Mayor Samuel Co at misis nito na si Priscilla, na kapwa itinuturong suspek sa pyramid scam, sa SeÂrendra, Bonifacio Global City, sa Taguig.
Nabatid na ang mag-asawa ay kapwa paÂngunahing respondents sa syndicated estafa kaugnay sa bilyong investment scam ng Aman Futures o Amalilio pyramid scam.
Sinabi ng isang mataas na opisyal ng NBI, hindi muna nila idedeÂtalye ang pagkakadakip sa dalawa dahil ngayong araw (Lunes) ay ihaharap sa media ni Department of Justice (DOJ) Secretary Leila de Lima ang dalawa.
Magugunita na noong nakalipas na buwan ng Hulyo, 2013 ay isinampa ng DOJ ang panibagong kaso ng syndicated estafa laban kina Co at iba pang respondents kabilang ang utak ng nasabing pyramid scam na si Manuel Amalilio, na ngayon ay sinasabing nagtatago sa bansang Malaysia.
Libu-libo katao at multi-bilyon piso ang sinasabing ‘naloko’ at natangay ng mga respondent sa kaso.
Kabilang sa mga naghain ng reklamo laban sa mga respondent ay ang investor na sina Samsodin Ala, fire officer Fabian Tapayan Jr. at government employee na si Norolhaya Taha.
Nalinlang umano ng mga akusado ang kanilang mga biktima dahil sa magaling at ‘matamis’ na pananalita na kikita ng malaki ang kanilang pera sa oras na sila ay mag-invest sa Aman Futures.
Matapos mag-invest ang mga biktima at tila ‘nagpadama’ noong una, at bigla na lamang nawala na parang bula ang mga akusado na ngayon ay wanted sa mga awtoridad.
- Latest