1 JI member tigok sa bakbakan
MANILA, Philippines - Tigok ang isang miyembro ng Jemaah Islamiyah habang nasakote naman ang kasamahan nito sa isinagawang operasyon ng pinagsanib na elemento ng pulisya at militar sa Datu Paglas, Maguindanao nitong Biyernes ng hapon.
Sa ulat ni Maguindanao Provincial Police Office Director P/Sr Supt. Rodelio Jocson, nabatid na ang nasawing JI member ay si Nadzir Pakasi Mongkas.
Arestado naman ang kasamahan nitong si Rahib Pelandoc Guialudin, na gumagamit ng mga alyas na Jerome Guialudin at Candao.
Ayon kay Jocson, ang dalawang suspek ay kasapi rin ng ‘bomb for hire gang’ na nag-ooperate sa MaguinÂdanao ay sinasabing sinanay ng JI terrorist sa Pakistan at Afghanistan.
Sinabi ni Jocson, nagsagawa ng operasyon ang pinagsanib na elemento ng pulisya at Phil. Army matapos na makatanggap ng report na magbibiyahe ng mga eksplosibo ang dalawang suspek na dadaan sa Tacurong-North Cotabato highway sa Datu Paglas lulan ng multicab (MEH 338).
Habang padaan sa inilatag na checkpoint ng mga awtoridad ay agad na bumunot ng baril si Mongkas na nagsilbing hudyat ng shootout na siya nitong ikinamatay.
Nasamsam sa dalawa ang iba’t ibang uri Improvised Explosive Device (IED), tatlong homemade cal 50 barret sniper rifles, isang M16 armalite, isang Singaporean made cal 5.56 assault rifle, dalawang cal.45 pistol at isang IED na may battery-operated na blasting device.
- Latest