Arestadong rapist/killer dedo sa pagtalon sa police car
MANILA, Philippines - Idineklarang dead on arrival sa D.O. Plaza Hospital ang isang 42-anyos na suspek sa panghahalay at pagpatay sa isang 8-anyos na batang babae nang tumalon ito sa sinasakyang police car habang dadalhin sa presinto naganap kamakalawa sa bayan ng San Francisco, Agusan del Sur.
Ang nasawing suspek ay kinilalang si Lucas Lloren Galas Jr., 42 anyos, residente ng Brgy. Bayugan II, San Francisco.
Bago ang insidente, dakong alas-11:45 ng gabi noong Miyerkules nang arestuhin ng mga pulis ang suspek sa pinagtataguan nito sa Brgy. San Miguel, Compostela Valley, apat na buwan matapos itong makagawa ng karumaldumal na krimen.
Matapos isailalim sa dokumentasyon at inisyal na imbestigasyon ay ibiniyahe na ang suspek na ineskortan kamakalawa ng hapon ng mga operatiba ng San Francisco Police patungo sa kanilang police station.
Pagsapit sa highway ng Brgy. Wasian, Rosario, Agusan del Sur ay biglang tumalon ang nakaposas na suspek sa tumatakbong mobile patrol car kung saan tumama ang ulo at katawan nito sa espaltadong kalsada.
Nabatid na ang suspek ay isa sa mga most wanted na kriminal sa bayan ng San Francisco na may warrant of arrest sa panghahalay at pagpatay sa isang 8-anyos na batang babae na ang bangkay ay itinapon sa may sapa ng Brgy. Bayugan II, San Francisco noong Enero 15 ng taong ito.
- Latest