2 NPA todas sa 2 pulis na bihag
MANILA, Philippines - Mistulang eksena sa pelikula ang naganap na pagtakas ng dalawang bihag na pulis nang mapatay nila ang dalawang rebeldeng New People’s Army (NPA) na nagbabantay sa kanila kamakalawa ng gabi sa Loreto, Agusan del Sur.
Batay sa ulat ni Chief Supt. Getulio Napeñas, Director ng CARAGA Police, dakong alas-8:50 ng gabi nang makatakas sa dalawang bantay na rebelde na kapwa armado ng AK 47 rifle ang pulis na sina PO2 Ronald Alan Muñez at PO1 Nemuel España sa kagubatan ng Brgy. Maitum ng nasabing bayan.
Ayon kay Napeñas na hindi nagsayang ng pagkakataon si Muñez nang makatulog ang kanilang mga bantay ni España na agad sinunggaban ang hawak na AK-47 rifle may ilang metro mula sa mga kasamahan nilang rebelde.
Nagtig-isang baril ang dalawang pulis at hinabol ang mga armadong rebelde at nagawang mabaril ni Muñez at napatay ang dalawa sa kanilang mga abductors.
Nagdesisyon ang daÂlawang pulis na maghiwalay upang mahati ang paghabol ng mga rebelde kung saan ligtas na nakarating si Muñez sa himpilan ng Loreto Municipal Police Station at humingi ng tulong para sa kasamahang si España.
Sa kabila ng panghihina ay masuwerteng nalusutan ni España ang mga humahabol na rebelde matapos itong tulungan ng mga sibilyan na pinahiram ng cellphone para makatawag ng rescue operation.
Pasado alas-3:00 ng madaling-araw nang dumating ang rescue team ng pinagsanib na elemento ng militar at pulisya na sinundo si España sa pinagtaguan nitong kubo.
- Latest