Mag-ina utas sa tandem
MANILA, Philippines - Hindi na naisalba ng mga doktor ang buhay ng isang mag-ina matapos na magtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan nang pagbabarilin ng riding-in-tandem habang sakay ng isang pampasaherong tricycle sa Brgy. Victoria Reyes, Dasmariñas City, Cavite kamakalawa ng hapon.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Anthony Mutuc Henzon, 43, binata, ng Emerald Crest at ang ina nito na si Liwayway Mutuc, 67, habang nakaligtas ang 7-anyos nitong apong babae na kanilang kasama.
Hindi naman nakilala ang dalawang suspek na nakasuot ng bonnet na mabilis na tumakas sakay ng isang motorsiklo na hindi naplakahan.
Batay sa ulat, dakong alas-2:50 ng hapon ay sakay ang mag-ina at apo ng isang pampasaherong tricycle at nagpapahatid sa Area C.
Habang bumabagtas ang tricycle sa kahabaan ng Victoria Reyes ay huminto ito dahil sa trapik nang tapatan ng mga suspek at pagbabarilin.
- Latest
- Trending