13-anyos hulog mula 12th floor
MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa Lourdes Hospital ang isang 13-anyos na binatilyo matapos itong mahulog mula sa ika-12 palapag ng isang condominium nang maglaro sa terrace unit kamakalawa ng hapon sa Sta. Mesa, Maynila.
Ang biktima ay nakilaÂlang si Joseph Emmanuel, 2nd year high school student ng Ateneo de Manila University (ADMU) at residente ng Unit 1403, Ilumina Residence, sa no. 46 P. Sanchez St., Sta Mesa, Maynila.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, bago naganap ang insidente dakong alas-5:14 ng hapon sa terrace ng Unit 1207, Ilumina Residence ay nakita ang biktima na naglalakad sa ibabaw ng terrace ng isang Korine Vitug, 12, estudyante, residente ng Unit 1122 ng nasabi ring condominium at ito umano ay kanyang sinaway.
Pinagbawalan din umano ng isang Mely Villafrancia, 60, housemaid sa Unit 105, ang biktima na huwag maglaro sa ibabaw ng terrace dahil baka ito mahulog.
Subalit, hindi umano nakinig ang biktima at nagpatuloy sa paglakad nang pabalik-balik sa ibabaw ng terrace at ilang sandali pa ay nakita na lang itong nakalambitin sa iron grills.
Nagtangkang tulungan ni Vitug, at kaibigang si Joseph Yap ang biktima upang huwag mahulog, subalit hindi nila makayanan ang bigat nito,hanggang sa nangawit umano ang biktima kaya nakabitaw sa pagkakahawak hanggang sa bumulusok sa ibaba.
Agad isinugod ang biktima sa ospital, subalit hindi na ito umabot ng buhay sanhi ng pagkakabali ng katawan.
Nagtataka ang mga otoridad kung paano napunta doon ang biktima gayung hindi naman ito doon umuukupa ng unit.
- Latest