Ginang pinatay sa bahay, CCTV tinangay
MANILA, Philippines - Isang bala sa ulo ang tumapos sa buhay ng isang 48-anyos na ginang na natagpuang nakabulagta sa loob ng kanyang bahay sa Quezon City kahapon ng hapon.
Ang biktima ay nakilalang si Elena Baladad, ng #5 Mather Ignacia St., corner Ojeda. Brgy. Paligsahan ng lungsod.
Batay sa ulat, pasado alas-3:00 ng hapon nang madiskubre ang bangkay ng ginang ng pinsan nitong si Francis John Sabariaga.
Sa pagsisiyasat ng pulisya na malaki ang hinala na kilala ng biktima ang salarin dahil sa walang nakitang force entry sa loob ng bahay nito.
May CCTV sa loob ng bahay, subalit nawawala ang digital recording nito na indikasyon na ninakaw ng salarin para hindi siya makilala.
Isang kalibre 38 baril ang nakita sa nasabing lugar, subalit inaalam pa kung ito ang ginamit sa pagpatay sa biktima.
- Latest