Marantan unang sisibakin sa serbisyo sa Atimonan 13
MANILA, Philippines - Kapag napatunayang guilty si Sr. Supt. Hansel Marantan kaugnay ng pagkakasangkot nito at ilang opisyal at tauhan ng pulisya sa kontrobersyal na Atimonan 13 noong Enero 6 ng taong ito ay una itong sisibakin sa pagiging pulis sa kasong administratibo.
Ito ang inihayag ni PNP Chief Director General Alan Purisima na kung saan ay patuloy na iniimbestigahan ng PNP-Internal Affairs Service ang kinakaharap nitong kaso.
Si Marantan ay team leader ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at Army Special Forces na nakapatay sa 13 katao na umano’y mga miyembro ng gun for hire sa shootout na pinagdudahang rubout sa Atimonan, Quezon.
Si Marantan ay kasalukuyang nagpapagaling sa tinamo nitong sugat sa binti sa St. Lukes Hospital sa Global City sa Taguig.
Gayunman, nilinaw naman ni Purisima na sakaling wala namang makitang pananagutan si Marantan ay mananatili ito sa pagka-pulis.
Samantala, nasa proseso na ng ilang unit ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pag-iimbestiga sa kaso para maisumite kay Justice Secretary Leila De Lima ang final report and recommendation kaugnay sa mga posibleng pagsasampa ng kaso.
Nabatid naman kay Atty. Danielito Laluces ng NBI Death Investigation Division (DID) na hindi pa matatapos ang ballistic test sa mga armas na nilipat sa pangangalaga ng ahensiya dahil huli ng nai-turnover sa kanila ang mga baril ng mga kagawad ng Special Forces ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at maging kay Marantan.
- Latest
- Trending