Ferry boat binalya ng alon: 228 pasahero nasagip
MANILA, Philippines - Nasagip ang may 228 pasahero matapos magkaaberya ang ferry boat na sinasakyan nila nang balyahin ng malakas na hangin at dambuhalang alon sa gitna ng karagatan dulot ng bagyong Auring sa Dumaguete City, Negros Oriental kahapon ng umaga.
Sa ulat na nakarating sa Office of Civil Defense (OCD) ang M/V Zamboanga Ferry na pag-aari ng George Peter Lines ay galing Zamboanga City at malapit na itong dumaong sa pier ng Dumaguete City nang mangyari ang insidente dakong alas-10:00 ng umaga.
Samantalang bunga ng insidente ay nagkaaberya ang barko ng tumigil ang makina nito sa gitna ng karagatan habang malapit na sa pantalan at tinangay ng alon ang barko ng may 40 metro sa kanugnog na Dumaguete Boulevard.
Nabatid pa na nakaabang na sa pantalan ang mga kamag-anak at pamilya ng mga pasahero nang mangyari ang insidente at tumagal ng tatlong oras na binabalya ng alon ang barko na ikinapanik ng mga pasahero nito.
Nasagip naman ang mga pasahero ng mga nagrespondeng elemento ng Philippine Coast Guard (PCG).
- Latest