Nagpaputok ng baril tugis… nene na tinamaan ng ligaw na bala, patay na
MANILA, Philippines - Magsagawa ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng taong nagpaputok ng baril noong pagsalubong sa Bagong Taon na naging dahilan ng pagkakasawi ng isang 7-anyos na batang babae na tinamaan ng ligaw na bala sa ulo sa Caloocan City.
Ito ang hiniling ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, Director Leonardo Espina na kung saan ay binawian na ng buhay dakong alas-12:26 ng hapon nitong Miyerkules matapos ang dalawang araw na pagkaka-comatose sa East Avenue Medical Center sa Quezon City ang biktimang si Stephanie Nicole Ella, ng San Lorenzo, Camarin ng nabanggit na lungsod.
Base sa record ng pulisya, dakong alas-12:45 ng madaling-araw noong Bagong Taon ay nasa labas ng bahay ang biktima na matatagpuan sa #2066 San Lorenzo Ruiz St., Barangay 185, Malaria, at kasalukuyang nanonood ng mga pailaw kasama ng iba pa nitong kaanak nang bigla na lamang itong bumagsak nang tingnan ng ama nitong si Jay ay nakita nitong may tama ng bala ng baril ito sa ulo kaya’t agad isinugod sa East Avenue Medical Center (EAMC) kung saan ito nakipaglaban sa kamatayan bago bawian ng buhay kahapon.
Sa salaysay ng ilang nakasaksi, posibleng malapit sa Tala Leprosarium nagmula ang putok ng baril dahil dito narinig ng mga kapitbahay ng biktima ang putok mula sa armas ng hindi pa nakikilalang salarin.
Naniniwala naman ang mga otoridad na matutukoy nila ang pagkakakilanlan ng suspek na bagama’t mahirap ay marami namang paraan upang makilala ang pagkatao para mabigyan ng katarungan ang sinapit ng biktima.
Ang biktimang si Stephanie ay ikalawang bata na nasawi sa ligaw na bala habang sinasalubong ang Bagong Taon.
Una nang nasawi ang biktimang si Ranjelo Nimer ng Brgy. Addition Hills, Mandaluyong City na nanonood din ng fireworks display sa kasagsagan rin ng pagsalubong sa pagpapalit ng taon matapos pumutok ang bitbit na sumpak ng suspek na si Emmanuel Janabon na tumama sa ulo nito.
Samantala, aakuin nina Recom at anak nitong si Liga ng mga Barangay sa Pilipinas President, Councilor Ricojudge “RJ” Echiverri ang bayarin sa ospital at gagastusin sa pagpapalibing kay Stephanie.
- Latest