Magbabasura utas sa ligaw na bala
MANILA, Philippines - Minalas na masawi ang isang mangangalakal na basura matapos na tamaan ng ligaw na bala mula sa pamamaril ng dalawang hindi pa kilalang suspek sa kapitbahay nito kamakalawa sa Caloocan City.
Ang nasawi habang dinadala sa Jose N. Rodriguez Memorial Hospital ay nakilalang si Rolando Marcellano “alias Ian”, 33, nakatira sa Phase 8-B, Tuluyan Plaza, Package 13, Block 51, Lot 14, Bagong Silang dahil sa tama ng bala sa ulo at katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.
Nilalapatan naman ng lunas sa Commonwealth Hospital ang isa pang biktima na si Allan Cabardo “alias Allan”, 36, binata, residente ng Phase 8-B ng nabanggit na lugar, nagtamo naman ng tama ng bala sa katawan.
Batay sa ulat, dakong alas-9:40 ng gabi ay naghahakot ng basura si Marcellano nang bigla na lamang sumulpot ang dalawang suspek at pinagbabaril si Marcellano at tinamaan naman ng ligaw na bala si Cabardo.
Mabilis na tumakas ang mga suspek habang ang mga biktima naman ay isinugod sa nabanggit na mga ospital ng ilang residente.
- Latest




















