Trak bumaliktad: 1 todas, 7 sugatan
MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang katao habang pito ang nasugatan matapos na bumaliktad ang kanilang sinasakyang trak kamakalawa sa kahabaan ng Diversion Road, Manduarriao District, Iloilo City.
Ang nasawi ay kinilalang si Ryan Sijo, 26-anyos ng Badiangan, Iloilo, sanhi ng tinamong ng grabeng sugat sa ulo at iba pang bahagi ng katawan.
Ang mga nasugatan ay kinilalang sina Joven Estribor, Jessie Rafil, Ervan Gatoteo, Jay Nomong, Ronald Sampil, Dionisio Cobol at Jerry Parreño na nilalapatan ng lunas sa pagamutan.
Batay sa ulat, ang mga biktima ay trabahador ng isang rice mill na pag-aari ng negosyanteng si Clemente Abrodo at sakay sila ng isang dropside truck (YHL-370) na minamaneho ni Fernando Baylen.
Habang mabilis na binabagtas ng trak ang kahabaan ng diversion road ng lungsod dakong alas-7:30 ng umaga nang iwasan nito ang isang taxi na biglang kumaliwa bunsod upang mawalan ito ng kontrol sa manibela si Baylen.
Bunsod nito ay sumalpok ang trak sa poste ng kuryente at isang puno sa may highway bago tuluyang bumaliktad at gumulong ng ilang ulit na ikinasawi at ikinasugat ng mga biktima.
Ang driver ng trak ay kinasuhan ng reckless imprudence resulting to homicide at multiple physical injuries.
- Latest

















