Video ng Aussie na bihag ng Abu, kumalat sa You Tube
MANILA, Philippines - Isa na namang panibagong video ng Aussie national na bihag ng Abu Sayyaf Group ang kumalat sa You Tube nitong Miyerkules ng gabi.
Makikita sa video ang pagkainip sa kaniyang kalayaan ang biktimang Australyano na si Warren Rodwell, 54-anyos, isang retiradong sundalong na mahigit isang taon ng bihag ng mga bandido matapos kidnapin sa kanilang bahay ng kaniyang misis na Pinay sa Ipil, Zamboanga Sibugay noong Disyembre 5, 2011.
“I’m being held prisoner, kidnapped by Abu Sayyaf Muslim terrorist group over one year, 54 weeks today. I was kidnapped on December 5, 2011. Video clip today is to say that I am alive. I am waiting to be released”, ani Rodwell sa nasabing video clip channel ng Abu Sayyaf .
Sa nasabing video clip na nagsimulang kumalat nitong Miyerkules ng gabi ay may hawak si Rodwell na pahayagan na may petsang Disyembre 16, 2012 na patunay na bago ang nasabing video clip.
Ayon kay Rodwell, naniniwala siyang mga bandidong Abu Sayyaf ang kaniyang kidnapper na umano’y hindi niya pinagtitiwalaan.
Bakas rin ang labis na kalungkutan kay Rodwell na bumagsak ang kalusugan kung saan sinabi nito na hindi siya umaasa na mapapalaya bago ang Bagong Taon ng 2013 bunga na rin ng mga kaganapan.
Noong Enero ng taong ito ay lumabas ang unang video clip ni Rodwell na nagsabing humihingi ang kaniyang mga kidnappers ng $ 2 M kapalit ng kaniyang kalayaan at muli itong nasundan ng panibagong video clip noong Mayo ng taong ito.
- Latest