7 dedo sa bagyong Quinta, 3 nawawala
MANILA, Philippines - Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na pito katao kabilang ang tatlong miyembro ng isang pamilya ang nasawi matapos na madaganan ng punong Apitong ang kanilang bahay sa Brgy. Del Pilar, Maydolong, Eastern Samar, sanhi ng malakas na pag-uulan sanhi ng bagyong Quinto.
Ang mga biktima ay kinilalang sina Rodrigo Busa, 56; misis nitong si Rosita Busa, 50 at anak nilang si Kimjie, 7.
Apat rin ang nasawi sa Iloilo na kinilalang sina Warlito Lutero at Erlinda Almorante ng bayan ng Janiuay, Arnulfo Bayotas ng Barotac Nuevo; at Nilo Icawale 54, ng bayan ng Malinaw na pawang nalunod sa tubig-baha.
Sinabi ni NDRRMC Executive Director Benito Ramos na tatlo katao rin ang nawawala mula sa Batangas, Iloilo at Leyte.
Naitala naman sa 2,431 pamilya o kabuuang 13, 521 katao ang naapektuhan ng bagyo sa Visayas Region kung saan sa nasabing bilang ay nasa 1,171 pamilya o 6,451 katao ang inilikas.
Nabatid na sa Tacloban City ay nasa 300 evacuees ang kinakanlong sa Tacloban Astrodome.
- Latest