Jeep sumalpok sa poste: 1 pasahero patay, 22 sugatan
MANILA, Philippines - Isang pasahero ang nasawi habang 22 ang nasugatan matapos ang sinasakyan nilang jeep ay sumalpok sa poste ng kuryente bago ito bumaliktad kamakalawa ng gabi sa Marikina City.
Nasawi ang pasaherong si Patricio Lopez, 46, residente ng Rizal Street, Brgy. Concepcion Uno, ng naturang lungsod.
Habang dinala sa Amang Rodriguez Medical Center ang driver ng jeep na si Ken Medina Bautista at 21 pa nitong pasahero.
Batay sa ulat, dakong alas-11:30 ng gabi ay mabilis na tinatahak ng jeep (NXH-331) na minamaneho ni Bautista ang kahabaan ng Rizal Street, Brgy. Concepcion Uno nang tangkain nitong unahan ang isang behikulo na naging dahilan para mawalan ito ng kontrol sa manibela at bumangga sa isang poste ng kuryente sanhi upang sumirko at tumaob ito.
Nasawi dakong alas-3:00 kahapon ng madaling-araw sa loob ng nasabing ospital si Lopez dahil sa matinding pinsala sa ulo.
Nabatid naman sa mga residente ng lungsod na lubha talagang napakabibilis ng pagpapatakbo ng mga driver ng jeep lalo na sa mga tinatawag nilang “patok” partikular na kung madaling-araw.
- Latest
- Trending