Anak ng recruiter ng pyramiding scam, kinidnap
MANILA, Philippines - Kinidnap ng dalawang lalaki ang isang 6-anyos na anak na lalaki ng isang negosyanteng recruiter ng Aman Futures Group Philippines Inc., sa Zamboanga del Sur kamakalawa.
Agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga otoridad at mabilis ding naaresto ang dalawang kidnaper sa Sultan Naga Dimaporo, Lanao del Norte kamakalawa.
Ang nasagip na biktima ay kinilalang si Denise Lian Solon, anak ng negosyanteng si Nishel Dante Solon, residente ng Brgy. San Jose, Aurora, Zamboanga del Sur.
Kinilala naman ang dalawang suspek na sina Amran Maruhom Pulao, 24 at Aiman Maruhom Ampatua, 39; pawang residente ng Brgy. Banday, Malaban, Lanao del Norte.
Sinabi ni Police Regional Office (PRO) 9 Director P/Chief Supt. Napoleo Estilles, alas-7:30 ng umaga kamakalawa nang dukutin ng mga armadong kalalakihan ang biktima sa Brgy. San Jose, Aurora, Zamboanga del Sur na isinakay sa isang van na tumahak patungo sa direksyon ng Sultan Naga Dimaporo, Lanao del Norte.
Naharang ang mga suspek habang lulan ng Honda Civic tangay ang bata sa isinagawang rescue operation pasado alas-10:00 ng umaga ng Zamboanga Del Sur Provincial Police Office na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga kidnapper at pagkakaligtas sa biktima.
Lumilitaw sa imbestigasyon na may kinalaman sa pyramiding scam ang pagdukot sa biktima dahilan hinikayat umano ng ama ng bata na mag-invest sa Aman Futures Group Philippines Inc. ang pamilya ng mga suspek.
Magugunita na aabot sa P12 bilyon ang nakulimbat ng nasabing pyramiding scam na pinamumunuan ng wanted na si Manuel Amalilio na nagtatago na sa Malaysia sa may 15,000 kataong nag-invest dito.
Umabot umano sa mahigit P2 milyon ang halaga na naipasok sa Aman group ng mga taong naimbita ng negosyante.
- Latest
- Trending