4 holdaper sa jeep napatay
MANILA, Philippines - Apat na holdaper ang napatay sa pakikipagbarilan sa mga pulis sa magkahiwalay na engkwentro sa Quezon City at Maynila.
Sa Quezon City, napatay noon din ang tatlong holdaper ilang minuto matapos maispatan ng nagpapatrulyang tropa ng Police Station 11 na hinoholdap ang limang pasahero ng jeep dakong ala-1:45 ng madaling-araw sa harap ng gusali ng PCSO sa kahabaan ng E. Rodriguez Sr., Brgy. Tatalon.
Ang mga nasawing suspek ay natukoy sa alyas na Tata, may taas na 5’4”, payat, nakasuot ng itim na shirt, at puting short pants, may tattoo ng Kia at Mhay sa dibdib at tribal sa kanang kamay; ang isa na may ay nakilalang si Romeo Bertulfo, nasa edad na 30-35, may taas na 5’6”, nakasuot ng asul na short pants at asul na t-shirt, at may tattoo na Bok sa kaliwang kamay; habang ang isa ay nakilala sa alyas na Nelson, may taas na 5’5”, slim, nakasuot ng kulay pulang t-shirt at jersey short pants.
Sa imbestigasyon ni PO2 Hermogenes Capili, sakay ng jeepney (NJL-873) na minamaneho ng isang Meliton Cuntapay ang mga biktima at mga suspek na nagkunwaring mga pasahero at tinatahak ang kahabaan ng E. Rodriguez Blvd., papuntang Cubao, galing Quiapo nang magdeklara ng holdap ang mga huli.
Tiyempo namang nagpapatrulya ang mobile car ng tropa ng Police Station 11 at napuna ang komosyon sa loob ng nasabing jeepney.
Agad na sinundan ng mga operatiba ang jeepney, hanggang makita na bumaba ang mga suspek mula dito at may bitbit na baril.
Nilapitan ng mga pulis ang mga suspek para komprontahin, subalit biglang pinaputukan sila sanhi para gumanti ng putok na nauwi sa engkwentro hanggang sa napatay ang mga suspek.
Sa Maynila naman ay napatay ang isang holdaper nang mabaril ng mga rumespondeng pulis makaraang maunang magpaputok nang sitahin, sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Inilarawan ang suspek na nasa pagitan ng edad na 30-35, may tattoo na Commando gang, katamtaman ang katawan, nakasuot ng long sleeve na kulay puti, tsinelas at maong na pantalon.
Sa ulat, dakong alas-11:15 ng gabi ay nagpapatrulya ang Anti-Crime Unit ng MPD-station 2 sa kahabaan ng Road 10 kanto ng Sandico St., Tondo nang humingi ng saklolo ang naholdap mula sa pampasaherong dyip na si Graciano Sanchez, 30, salesman ng Antipolo St. Tondo.
Agad na itinuro ang direksiyon ng tatlong holdaper na bumiktima sa kaniya at nang mamataan ay sinita umano ng mga pulis, subalit nagpaputok umano ng baril ang mga suspek kaya’t gumanti ng putok ang mga pulis na ikinasawi ng suspek habang ang dalawang hindi pa kilalang kasamahan ay nakatakas. – Ricky Tulipat, Ludy Bermudo –
- Latest