Titig ng kamatayan
MANILA, Philippines - Dahil sa masamang titig kaya binaril at napatay ang isang binata habang kumakain sa isang tindahan sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Dead-on-arrival sa Tondo General Hospital sanhi ng tinamong tama ng bala sa ibat-ibang parte ng katawan ng biktimang si Kevin Joseph Canlas, 19, binata na nakatira sa 782 Solis St., Gagalangin, Tondo, Maynila.
Pinaghahanap naman ang suspek na inilarawan sa edad na 32-35, na armado ng di pa batid na kalibre ng baril.
Sa ulat ni PO3 Rodel Benitez ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-2:30 ng madaling-araw nang maganap ang pamamaril sa panulukan ng Cavite at Lucban Sts., Gagalangin, Tondo.
Bago ang pamamaril, bumili ng midnight snack sa tindahan ang biktima kasama ng kanyang pinsan na hindi na tinukoy ang pangalan.
Pagdating sa tindahan ay dinatnan umano nila ang suspek at doon naganap ang masamang titigan na nauwi sa mainitang pagtatalo.
Agad naman inawat ang biktima ng kanyang pinsan pero lalong nagalit ang suspek kaya umalis sandali at nang bumalik ay may dala ng baril at walang sabi-sabing pinaputukan ang biktima habang kumakain.
- Latest