Telcos pinasosoli ang 20 sentimos na sobra sa singil… 80 sentimos na lang kada text
MANILA, Philippines - Hindi na P1.00 kundi 80 sentimos na lang kada text simula ngayong araw na ito sa Smart, Globe at iba pang telecommunications company sa bansa.
Ito ang ipinag-utos kahapon ng National Telecommunication Commission (NTC) sa Smart Communications, Globe Telecoms at Digitel Mobile Philippines na 80 sentimos na lamang ang sisingilin sa mga subscriber bilang interconnection charge sa pag-text.
Una nang nagsampa ng kasong administratibo ang NTC sa mga telcos dahil sa hindi pagsunod ng mga kumpanya sa memorandum circular nito noong December 1, 2011 na nag-uutos na ibaba ang sms rate o bawat text sa post paid at prepaid na sinisingil sa mga subscribers.
Ayon kay Engr. Edgardo Cabarios, director ng Common Carrier Authorization Department ng NTC, bukod sa pagbababa sa 80 sentimos ng halaga bawat text, pinagmumulta din ang mga telecom company ng P200.00 per day o P75,000 dahil sa hindi pagsunod sa naturang order.
Pinagsusumite din ng NTC ang mga telcos ng kanilang records at reports hinggil sa off net sms ng lahat ng kanilang subscribers na una ng siningil ng piso sa kada text.
Pinasosoli din ang 20 sentimos na sobra sa P1.00 na singil nila kada text simula noong Disyembre 1, 2011 nang ipalabas ang naturang order hanggang sa kasalukuyan.
- Latest