MANILA, Philippines - Pinalagan ng isang estudyante na tinaguriang “Amalayer Girl” na isang uri ng cyber bullying ang ginawa sa kanya matapos na kumakalat ang nakunang video na makikita ang kanyang pagsisigaw sa isang lady guard ng Light Rail Transit Line 2-Santolan Station sa mga social networking sites tulad ng Facebook at Twitter.
Sinabi ni Paula Jamie Salvosa, estudyante ng La Consolacion College na hindi na umano dapat pang lumaki ang insidente at naniniwala siya na maaaring naresolba ang problema ng pribado. Ito’y sa kabila na naringgan siya sa video na nagsalita na i-post ito at pasikatin siya.
Dahil sa pambabatikos na tinanggap sa social media, isinugod umano ang kanyang tiyahin sa pagamutan dahil sa pagtaas ng presyon ng dugo habang matinding pag-aalala na rin ngayon ang nadarama ng kanyang mga magulang.
Kaniya umanong dini-activate na ang kanyang Facebook at Twitter account at nais na lamang manahimik sa naturang isyu. Sinabi pa nito na lahat naman umano ay nagkakamali at walang perpekto sa mundo.
Maging ang lady guard na si Sharon Mae Casinas ay hindi rin nakaiwas sa kritisismo lalo na ang mga nagsasabi na marami sa mga guwardiya umano ng LRTA ay mga bastos sa pasahero.
Sinabi ni Salvosa na hindi naman sana lalaki ang insidente kung agad na humingi ng dispensa ang guwardiya sa maayos na paraan.
“Sabi niya ‘Ma’am, anong problema mo?’ Ganoon ang tono niya. So sumagot ako hindi ko ide-deny ang tono ko. ‘You are my problema,’ ang sabi ko,” ayon kay Salvosa. “Nag-apologize siya sa akin, ganito siya nag-sorry: ‘Eh di sorry na lang po, sorry na lang po.’ Parang ang sa akin I don’t think I deserve that kind of apology,” dagdag nito.
Samantala, nagpatupad na ang pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) “No inspection, No entry policy” sa lahat istasyon at bumibiyaheng tren ng LRT.
Ayon kay LRTA officer-in-charge Emerson L. Benitez, layunin nila na hindi sila malusutan ng mga masasamang loob sa lipunan na nagnanais na maghasik ng terorismo at kaguluhan sa alin man LRT station.