Pamilya Barrameda nagpasaklolo sa DOJ
MANILA, Philippines - Nagpasaklolo kahapon ang pamilya Barrameda sa pangunguna ng aktres na si Rochelle upang bumilis ang pag-usad ng kaso sa pagpatay sa kanyang kapatid na si Ruby Rose nang maaresto kamakalawa ang isang suspek.
Nagtungo sa DOJ ang pamilya Barrameda at personal silang nagpasaklolo kay Justice Secretary Leila de Lima para sa pag-usad ng kaso ng kanyang kapatid.
Dahil sa writ of preliminary injunction na ipinalabas ng Court of Appeals, napigil ang pagdinig sa kaso sa Malabon Regional Trial Court.
Naniniwala ang aktres na makakagawa ng aksyon ang kalihim para hindi masayang ang pagkakaaresto sa suspek na si Robert Ponce.
Matatandaang Pebrero ng taong ito nang suspindehin ng CA ang pagdinig sa kaso ni Ruby Rose makaraan nitong paboran ang petisyong inihain ng isa sa mga akusado na si Manuel Jimenez, Jr., biyenan ng biktima, na humihiling na mag-inhibit sa kaso si Malabon City Judge Zaldy Docena.
Tiniyak naman ni De Lima na pag-aaralan niya ang kaso ni Ruby Rose, at maging ang posibilidad na mapasailalim si Robert Ponce sa witness protection program para makatulong sa paglutas ng kaso.
- Latest