Binoga, itinulak palabas ng SUV… Bebot pinakain muna bago itinumba
MANILA, Philippines - Malaki ang hinala ng mga otoridad na pinakain muna ang isang babae na sakay ng sports utility vehicle na kanilang binili sa isang hamburger chain at pagkatapos ay binaril ito bago itinulak palabas ng sasakyan kahapon ng umaga sa Quezon City.
Walang nakuha na anumang pagkakakilanlan sa biktima na inilarawan lang ng pulisya na ito ay nasa pagitan ng edad 20-25, maputi, may-taas na 5’2”, mahaba ang buhok, nakasuot ng sando na may blazer, at kulay asul na legging.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-5:00 ng umaga ay nakita ng ilang basurero ang paghinto ng kulay asul na Montero sports na hindi naplakahan sa 18th Avenue, Murphy, Cubao.
Ilang sandali ay nakarinig sila ng sunud-sunod na putok ng baril mula sa loob ng Montero at pagkatapos ay nakita nila na itinulak ang isang babae palabas ng sasakyan at muli itong pinagbabaril.
Mabilis na sumibat ang Montero patungo sa Don Jose St., Brgy. San Roque.
Nakuha ng mga otoridad sa tabi ng bangkay ng biktima ang mga resibo mula sa McDonald Restaurant sa UN Avenue, Ermita, Maynila na kung saan ay bumili ng cheese burger at french fries sa pamamagitan ng drive thru pasado alas-2:00 ng madaling-araw.
Naniniwala ang pulisya na posibleng nagutom ang biktima at pinayagang bumili muna ng pagkain bago bumiyahe patungo ng Quezon City kung saan isinagawa ang pamamaslang.
Posible din umanong dalawa ang suspek sa pamamaslang sa biktima, isang nagsilbing driver at isang triggerman na nakaupo sa backseat kasama ang babaeng biktima.
Ang biktima ay nagtamo ng isang tama ng bala sa kanang sentido, kanang braso, at kanang hita.
Narekober sa lugar ang dalawang basyo ng kalibre 40 baril at isang bala ng kalibre 45 at isang basyo nito.
Tinitignan ng pulisya ang lugar na pinangyarihan ng krimen kung may CCTV nakakabit para makuha ang plaka ng Montero at gayundin sa McDonald branch kung nakunan ng CCTV ang plaka.
- Latest