Farm fresh sinilat Choco Mucho

MANILA, Philippines — Bumalikwas ang Farm Fresh mula sa isang two-set deficit para talunin ang Choco Mucho, 20-25, 26-28, 25-23, 25-23, 15-13 sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab leg kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Kinailangan ng Foxies na bumangon mula sa 0-2 pagkakabaon para angkinin ang huling tatlong set at ilista ang 2-1 record.
Bumandera sina Mylene Paat-Rezanova at Trisha Tubu para sa kanilang bounce back win.
“This is the work of the Lord, Ibinigay sa amin iyong panalo. Nag-pray lang talaga kami na sa fifth set na bigyan Niya kami ng lakas ng loob sa laban,” ani Paat-Rezanova na pumalo ng 15 points. “Bonus na lang sa amin iyong binigay Niya sa amin iyong panalo.”
Napurnada ang hangad na pagtatayo ng Flying Titans ng 3-0 record sa kabila ng pagbibida nina Sisi Rondina-Rosales at Eya Laure.
Rumesbak ang Farm Fresh mula sa 0-2 pagkakalubog sa Choco Mucho para makatabla sa 2-2 sa likod nina Tubu, Mylene Paat-Rezanova at rookie Joana Perdido.
Si Tubu ang sumelyo sa panalo ng Foxies mula sa kanyang matulis na hataw laban sa depensa ng Flying Titans.
Sa unang laro, pumalo si Jonah Sabete-Escamillan ng 22 points mula sa 18 attacks, tatlong blocks at isang service ace para pamunuan ang Nxled sa 25-16, 22-25, 25-17, 25-19 pagpapabagsak sa Galeries Tower.
Nagdagdag si MJ Phillips ng 14 markers para sa 3-0 record ng Chameleons.
Tumipa si three-time MVP Brooke Van Sickle ng 12 points at 13 excellent digs, habang may 20 excellent sets si setter Gel Cayuna at may 10 excellent digs si veteran libero Bang Pineda.
Bagsak ang Highrisers sa ika-3 sunod na talo.
Matapos maisuko ang second set ay bumalik sa kanilang pamatay na porma ang Nxled para kunin ang dalawang sumunod na sets at itiklop ang laban sa loob ng isang oras at 45 minuto.
- Latest





















