Ongotan itinakas Arellano sa Letran
MANILA, Philippines — Kinapitan ng Arellano University ang mainit na opensa ni T-Mc Ongotan upang akbayan ang koponan sa pahirapang panalo kontra Letran, 82-81 sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament na nilaro sa Playtime FilOil Centre kagabi.
Tumikada si Ongotan ng career-high 29 points, 12 rebounds at tig-tatlong assists at blocks upang tulungan ang Chiefs na ilista ang malinis na apat na panalo at upuan ang top spot ng team standings.
May tsansa sanang itakas ng Knights ang panalo nang magmintis ng dalawang free throws si Ongotan may 12:2 segundo na lang ang nalalabi sa orasan.
Pero sumablay din ang ipinukol na tres ni Denzil Sison-Walker at Nat Montecillo kaya nalasap ng Letran ang unang kabiguan sa apat na salang.
Ipinakita ng Knights ang kanilang lakas sa upang dalawang quarters kung saan ay lumamang sila ng anim na puntos, 48-42 sa halftime.
Subalit biglang nagbago ang ihip ng hangin sa third canto, ang Chiefs naman ang lumamang ng anim na puntos, 66-60 may 2:42 minuto ang natitira sa orasan.
Naalagaan ng Arellano ang kanilang bentahe kaya naman nasa unahan pa sila ng limang puntos, 68-63 papasok ng fourth period.
Hindi naman pumayag ang Letran na maiwanan at naagaw nila ang lamang, 76-73 mula sa three-point na sinalpak ni Chad Gammad may 5: 45 minuto pa sa payoff period.
Pero naging matatag ang Arellano dahil sa maangas na laro ni Ongotan kung saan ay naging katuwang nito sina King Vonoya at Karl Flores sa puntusan sa krusyal na laban.
- Latest






















