Team Philippines olats sa gold

Saclag, Yulo brothers pasok sa finals
MANILA, Philippines — Swak si Mixed Martial Arts expert Jean Claude Saclag sa gold medal round, habang lalaban sa finals ang mag-utol na sina gymnasts Carlos at Eldrew Yulo sa kampanya ng Team Philippines sa 20th Asian Games kahapon sa Aichi-Nagoya, Japan.
Dinomina ni Saclag si Japanese Daisuke Murayama, 3-0, sa semifinals para umabante sa finals ng men’s traditional MMA -65kg competition.
Nakatakdang labanan ng Team Lakay fighter sa gold medal round si Otabek Rajabov ng Tajikistan ngayong ala-1:20 ng hapon.
Nakuntento si MMA fighter Carlos Alvarez sa bronze matapos ang 0-3 kabiguan kay Kazakhstan bet Yerkingalu Burkutalin sa men’s traditional MMA -77kg
Sa gymnastics, pasok ang 2024 Paris Olympics double-gold medalist na si Carlos sa finals ng men’s floor exercise, vault, parallel bars at team event, habang tatarget din ng gold ang 18-anyos na si Eldrew sa floor exercise at horizontal bar.
Nasa finals din si Miguel Besana sa men’s vault.
Samantala, pamumunuan ni Olympian Levi Jung-Ruivivar ang kampanya ng women’s team ngayon kasama sina Kylee Kvamme, Chiara Dawn Andrew, Lauren Supnet at Haylee Garcia.
Sa swimming, bigong makalangoy ng medalya si Fil-Canadian Kayla Sanchez, ngunit nagtala ng bagong Philippine national record sa women’s 50m backstroke (28.19 segundo).
Sa women’s football, pasok pa rin sa quarterfinals ang Filipinas bagama’t nakalasap ng 1-5 kabiguan sa China sa group stage.
Sa women’s indoor volleyball, dinaig ng Alas Pilipinas ang Mongolia, 25-13, 25-11, 25-20, para palakasin ang pag-asa sa ninth place sa classification round.
Sa beach volleyball, tinalo nina Khylem Progella at Sofiah Pagara sina Anal Fathimath at Areesha Aminath ng Maldives, 21-6, 21-11, sa Pool G ng women’s division.
Nauna nang nanalo sina Bernadeth Pons at Sisi Rondina kina Most Sabina Khatun at Mst Lucky Khatun ng Bangladesh, 21-6, 21-6, sa Pool E kamakalawa.
Binuksan ng men’s baseball team ang kanilang kampanya sa pamamagitan ng 12-0 demolisyon sa Palestine sa preliminary round.
- Latest






















