Laban Pinas!
NAGOYA — Agad nalagasan ang Team Philippines dahil sa early exit ng Gilas Men at Alas Women.
Pero may excitement na ipinundar ang women’s football team – umaaribang panimula bago pormal magbukas ang 2026 Asian Games sa Paloma Mizuho Stadium ngayong gabi.
Matapos ang 32 years, balik-Japan ang Asian Games!
Pormal nang sasalubungin ng Nagoya ang mahigit 15,000 atleta at opisyal mula sa 45 bansa — at nandoon sa gitna ang Pilipinas, handang ituloy ang mainit na arangkada ng Philippine sports.
Sina lady boxer Aira Villegas at weightlifter Albert Ian delos Santos ang magdadala ng watawat sa Parade of Nations. At kasama sila sa mga inaasahang magpakita at tumulong sa mithiing gold rush sa Nagoya Asiad.
Ito na yata ang pinakamalakas na delegasyon natin sa mga nakaraang taon. Nasa 464 ang orihinal na bilang, bahagyang nabawasan pero buo pa rin ang puwersa — pangungunahan nina two-time Olympic gold medalist Carlos Yulo, WTA World No. 18 Alex Eala, defending champion EJ Obiena, at Olympic medalists Nesthy Petecio, Carlo Paalam at Villegas.
Walong ginto ang matapang na target ni POC President Bambol Tolentino. Kapag nakuha, papantayan natin ang walong ginto noong 1958 Tokyo Asian Games — ang unang beses na nag-host ang Japan.
Ngayon, sa puso ng Aichi Prefecture, 469 ginto ang paglalabanan sa 43 sports. Mas malaki pa sa Olympics. At sa unang araw pagkatapos ng opening ceremonies, 31 ginto na agad ang nakataya.
Maaaring makatalisod ang Team Phl ng podium finish sa unang sultadang ito.
Pero ang tunay na D-Days sa Team Phl eh ang pagsalang sa laban nina Yulo, Eala, Obiena, swimmer Kayla Sanchez, ng mga boxers, ng e-gamers at jui-jitsu warriors.
Laban Pinas!
- Latest



















