Highrisers giniba ng Chameleons

MANILA, Philippines — Dumiretso ang Nxled sa kanilang ikalawang dikit na ratsada matapos walisin ang Galeries Tower, 25-23, 25-23, 25-20, sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) On Tour kahapon sa Polomolok Gymnasium sa Polomolok, South Cotabato.
Pumalo si Myla Pablo ng 14 points mula sa 13 attacks at isang block para sa 2-0 record ng Chameleons, habang may tig-siyam na marka sina Fil-Am middle blocker MJ Phillips at EJ Laure-Cariño.
Naglista si setter Gel Cayuna ng 16 excellent sets.
Laglag ang Highrisers sa 1-1 bagama’t nakahugot kay Erika Deloria ng 13 points at 11 markers kay Jean Asis.
Lumaban nang husto ang Galeries Tower sa first at second set bago nakontrol ng Nxled ang laro sa third set para tapusin ang laro sa 25-20.
Tatapusin ng Chameleons, ang tanging koponang may apat na laban sa PVL On Tour, ang kanilang kampanya laban sa Farm Fresh Foxies (0-1) sa Agosto 15 sa Lanao del Norte.
Lalabanan ng Highrisers ang Creamline Cool Smashers sa Agosto 22 sa Victorias, Negros Occidental sa huli nilang laro sa preseason tournament.
Ang bawat panalo sa PVL On Tour ay may katapat na premyong P100,000, habang P50,000 kada talo.
Babalik ang torneo sa Isabela sa Agosto 8 tampok ang nagdedepensang PLDT kontra sa ZUS Coffee at ang pagtatapat ng Creamline at Capital1 Solar Energy.
- Latest

















