2 Gilas U23 team ihahanda ng SBP

MANILA, Philippines — Dalawang Gilas Pilipinas Under-23 team ang isasabak ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa dalawang pangunahing 3x3 tournaments.
Sinabi ni SBP 3x3 program director Ryan Gregorio na lalaro ang U23 national squad sa FIBA 3x3 U23 World Cup sa Wuhan, China sa Setyembre 15 hanggang 19 at sa 20th Asian Games sa Nagoya, Japan sa Setyembre 21 hanggang 25.
Ang isang Gilas U23 team ay lalahok naman sa FIBA 3x3 Youth Nations League sa Petaling, Jaya sa Agosto 16 hanggang 24.
“We’re actually preparing for two tournaments. So it’s impossible for us to have just one team. So we’re expanding our pool and checking on the players available,” ani Gregorio kahapon sa PSA Forum sa Philippine Sports Commission media room.
Ang nagpapasakit sa ulo ni Gregorio ay ang mga parating na UAAP at NCAA season kung saan naglalaro ang mga miyembro ng national U23 teams.
“I think the conflict right now is the schedule of the UAAP and NCAA. So those are the things we really have to scrutinize. Iyon talaga ang mga bagay-bagay na kailangan careful ang understanding. And siyempre ayaw mo rin maapektuhan ‘yung mga teams or schools na maglalaro sa kani-kanilang tournaments,” ani Gregorio.
“So kailangan mapag-aralan nang husto ang schedule and makausap din nang husto ang mga coaches also,” dagdag ng 54-anyos na three-time PBA champion coach sa sesyon na inihandog ng San Miguel Corporation, PSC, Philippine Olympic Committee, MILO at 24/7 sports app ArenaPlus.
Ang Gilas 3x3 team ay binubuo nina Earl Medina ng Adamson, Koji Buenaflor ng UST, Jhun Dela Rama ng San Beda at Cabs Cabonilas at Jedric Daa ng Far Eastern University.
Ang tropa ang naghari sa nakaraang FIBA 3x3 Nations League Asia at nakakuha ng tiket para sa World Cup.
- Latest

















