Ginebra basag sa RoS

MANILA, Philippines — Itinabla ng Rain or Shine ang kanilang semifinals series ng Barangay Ginebra matapos itagay ang 97-85 panalo sa Game Four sa Season 50 PBA Commissioner’s Cup semifinals series kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Pinigilan ng Elasto Painters ang dalawang sunod na ratsada ng Gin Kings para itabla sa 2-2 ang kanilang best-of-seven showdown.
Bago lumabas ng court ay nagkasagutan sina Rain or Shine coach Yeng Guiao at Ginebra team governor Alfrancis Chua.
“I feel as a governor it’s not his job to keep talking to the referees and in that way intimidating them,” sabi ni Guiao kay Chua. “Maybe coaches can complain, maybe assistant coaches can complain, but I feel in terms of demeanor and ethics, iyong (PBA) Board, kung kaya nilang pigilin iyong emotions nila they should leave that to the coaching staff and to the players kung gusto magreklamo.”
“Tapos from a far tinawag niya akong ulol. Iyon lang naman ang sinabi ko. So nagkasagutan kami,” dagdag nito.
Kaagad namang napaghiwalay sina Guiao at Chua.
Kumolekta si import Jalen Johnson ng 13 points, 12 rebounds at 4 assists para sa Elasto Painters.
Itinayo ng Rain or Shine ang 26-point lead sa second quarter para tapusin ang suwerte ng Ginebra na wagi sa Games Two at Three.
Pinamunuan ni resident import Justin Brownlee ang Gin Kings sa kanyang 27 points, 10 boards at 4 assists.
Maagang nag-init ang opensa ng Elasto Painters sa itinalang 20-9 abante mula sa three-point shot ni Leonard Santillan sa first period.
Nakadikit ang Ginebra sa 27-34 sa pagsisimula ng second quarter bago tuluyang mabaon sa 27-40 sa 9:16 minuto nito.
Ipininta ng Rain or Shine ang pinakamalaki nilang bentahe sa 26 points, 58-32, sa huling 2:31 minuto bago ang halftime galing sa free throw ni Clarito.
Huling naghamon ang Gin Kings sa 79-92 sa 3:54 minuto ng laro.
- Latest
















