Chairman’s Cup naudlot
MANILA, Philippines — Kinansela ang karera noong araw ng Linggo sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas dahil nagkaroon ng problema sa loob ng karerahan.
Kaya naman naudlot ang bakbakan ng mga tigasing kabayo sa dalawang stakes races na pakakawalan sana sa nasabing araw ng karera.
“Due to technical issues and difficulties, We would like to inform all the stakeholders and the betting public that races for today (Sunday) is cancelled,” nakasaad sa statement ng organizers sa karerahan. “We apologize for the inconvinience and thank you for your understanding.”
Pasisibatin sana sa Race 4 ang 2026 PHILRACOM “Chairman’s Cup I” kung saan ay anim na mahuhusay na kabayo ang magtatagisan ng bilis sa 2,000 meter race.
Kabilang sa tatakbo si reigning Presidential Gold Cup Championship king Don Julio na gagabayan ni jockey Apoy Asuncion, makakatagisan niya sana ng bilis ang Circus Crowd, Transform, Bea Bell, Easy Does It at Jungkook.
Nakalaan ang P2M guaranteed prize na ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta kaya asahang mahigpit ang magiging labanan dahil sa laki ng nakatayang premyo na P1.2M para sa mananalo.
Aarangkada naman sa pangalawang karera ang Chairman’s Cup II kung saan ay may walong kabayo naman ang kasali, bagama’t mas maliit ang garantisadong premyo na P800,000 ay pareho ang distansya ng karera.
Samantala, wala pang petsa kung kailan itutuloy ang dalawang nabanggit na malaking karera kaya abang-abang muna ang mga karerista sa anunsyo mula sa pamunuan ng karera.
- Latest



















