Joo humirit sa stage 11

SAN JUAN, La Union, Philippines — Ipinaalala ni Joo Dae Yeong ng Gapyeong Cycling Team na hindi siya dapat kalimutan sa MPTC Tour of Luzon 2026.
Ito ay matapos angkinin ng MPTC Tour of Luzon 2025 edition champion ang 158.7-kilometer Stage 11 sa itinalang tatlong oras, 19 minuto at 16 segundo na binitawan sa Candon City Arena sa Ilocos Sur at nagtapos dito sa San Juan Town Hall kahapon.
Inunahan ng 29-anyos na South Korean rider sa finish line si Malaysian National Team member Saniy Syahmi Mohd Safiee na 11 segundo ang agwat at Dominic Perez ng Pangasinan na 12 segundo ang layo.
Kumawala ang two-time South Korean national champion sa huling 55 kilometro sa Sta. Cruz, Ilocos Sur para pakainin ng alikabok ang kanyang mga kasabay patungo sa solong pagtawid sa finish line.
“I thought it was intense because the race situation was a little bit loose. My legs is not good, but I saw the timing to go,” ani Joo sa pamamagitan ng isang interpreter.
Tumapos naman si Stage Nine winner at yellow jersey owner Nikita Shulchenko ng LCW UAE Cycle sa No. 52.
Ngunit patuloy niyang pinamumunuan ang Individual General Classification sa oras na 32:57:30 kasunod sina LCW-UAE teammate at Stage One king Yousef Ibrahiem Alrefai (-0:03:41) at Stage 10 ruler Antoine Huby ng 7-Eleven Cliqq Roadbike Philippines (-0:03:54).
Bumabandera pa rin ang 7-Eleven sa Team General Classification sa kanilang 131:05:38 sa itaas ng Go for Gold (-0:02:20) at Standard Insurance Philippines (-0:13:12).
Papadyak ngayong umaga ang 141.4-km flat route Stage 12 dito sa Eagle of the North sa Agoo, La Union at magtatapos sa Mangatarem, Pangasinan.
- Latest



















