French rider sa Stage 10

CERVANTES, Ilocos Sur , Philippines — Nalampasan ni Antoine Huby ng 7Eleven Cliqq Roadbike Philippines ang sinasabing ‘most challenging stage’ sa MPTC Tour of Luzon 2026.
Nagsumite si Huby ng bilis na 3:32:01.2 para angkinin ang 124.2-kolometer Stage 10 na nagtampok sa pahirapang akyatan na sinimulan sa Candon City Arena at nagtapos dito sa Bessang Pass Natural Monument kahapon.
Inungusan ng French cyclist sa finish line si individual overall leader at yellow jersey owner Nikita Shulchenko (-0:00:50) ng LCW UAE Cycle kasunod si 7Eleven teammate Ronnilan Quita (-0:02:26).
“I just do my best everyday, and today was really an important day to stay on top and I want to do my best and win another stage for my team,” sabi ng 25-anyos na si Huby sa kanyang unang stage win sa nasabing 1,821.1-kilometer, 14-stage race na inihahandog ng PSC katuwang ang Philippine Olympic Committee at PhilCycling.
Mula sa isang peloton ay kumawala sina Huby at Shulchenko sa huling 10 kilometro para sumabit sa lead pack patungo sa kanilang rematehan sa natitirang 200 metro.
Bumitaw ang Russian rider at mag-isang tinawid ni Huby ang finish line.
Ang runner-up finish ni Shulchenko sa Stage 10 ang lalo pang nagtaas sa kanya sa Individual General Classification sa nailistang 29:34:44 kasunod sina LCW-UAE teammate at Stage One winner Yousef Ibrahiem Alrefai (-0:03:44) at Huby (-0:03:56).
Samantala, inagaw ng 7-Eleven ang pangunguna sa Team General Classification sa kanilang 117:37:57.
- Latest
















