Celtics dinispatsa ng 76ers sa 1st round
BOSTON — Kumolekta si Joel Embiid ng 34 points, 12 rebounds at 6 assists sa 109-100 pagpapatalsik ng Philadelphia 76ers sa Celtics sa Game 7 at isara ang kanilang Eastern Conference first-round playoff series sa 4-3.
Nagdagdag si Tyrese Maxey ng 30 points, 11 rebounds at 7 assists.
Ito ang ika-14 pagkakataon na may koponang nakabangon mula sa isang 1-3 deficit para manalo sa isang serye.
Umiskor si VJ Edgecombe ng 23 points at may 13 markers si Paul George para sa No. 7 seed Philadelphia na lalabanan ang No. 3 New York Knicks sa best-of-seven semifinals series.
Si Embiid, unang naglaro sa Game 4 matapos magrekober sa appendectomy surgery, ang unang player sa NBA history na umiskor ng 100 points sa isang playoff series bagama’t hindi naglaro sa Games 1, 2 at 3.
Umiskor si Jaylen Brown ng 33 points sa panig ng Boston habang may 26 markers si Derrick White kasama ang limang 3-pointers.
Ipinoste ng 76ers ang isang 18-point lead sa third quarter bago ito naputol sa 92-91.
Ang layup ni Maxey ang naglayong muli sa Philadelphia sa 103-98 sa huling 1:15 minuto kasunod ang apat na sunod na mintis ng Boston.
Tuluyan nang kinuha ng 76ers ang 105-98 kalamangan mula sa dalawang free throws ni Maxey.
- Latest
















