Pistons itinulak ang Magic sa Game 7
ORLANDO, Fla. -- Kumamada si Cade Cunningham ng 32 points at nakabangon ang top-seeded Detroit Pistons mula sa isang 24-point deficit para talunin ang Magic, 93-79, at makapuwersa ng Game 7 sa kanilang Eastern Conference first-round playoffs series.
Bumangon ang Detroit mula sa 38-62 pagkakaiwan sa third quarter para itabla sa 3-3 ang kanilang serye ng No. 7 seed Orlando.
Naimintis ng Magic ang kanilang 23 sunod na tira, habang humataw ang Pistons ng isang 35-5 atake sa fourth quarter para agawin ang panalo.
Nagdagdag si Tobias Harris ng 22 points para sa Detroit na idaraos ang Game 7 bukas.
Umiskor sina Paolo Banchero at Desmond Bane ng tig-17 points sa panig ng Orlando na muling naglaro na wala si injured forward Franz Wagner.
Sa Houston, bumira si LeBron James ng 28 points para gabayan ang Los Angeles Lakers sa 98-78 pagsibak sa Rockets at tapusin ang kanilang Western Conference first-round series sa 4-2.
Lalabanan ng No. 4 seed Lakers ang top-seeded Oklahoma City Thunder sa semifinals na magsisimula sa Miyerkules.
Sa Toronto, isinalpak ni RJ Barrett ang isang 3-pointer sa huling 1.2 segundo para iligtas ang Raptors sa Cleveland Cavaliers, 112-110, at itabla sa 3-3 ang kanilang Eastern Conference first-round series .
- Latest

















