Kaya pa Converge?
Sa papel, pang championship. Sa standings, titigok-tigok.
‘Yan ang kuwento nina coach Delta Pineda at ang kanyang Converge FiberXers sa PBA Season 50 Commissioner’s Cup.
Puno ng pangalan. Puno ng expectation. Pero nung umarangkada ang conference, puro tanong: Nasaan ang depensa? Nasaan ang chemistry? Nasaan ang panalo?
Hanggang sa dumating ang back-to-back wins kontra TNT (97-92) at Phoenix (130-103). Hindi pa championship form. Pero at least, nabuhay ang pag-asa ng Converge.
Kung maituloy ang ratsada at maipanalo ang huling dalawang laro kontra NLEX at Blackwater, maaaring makatabla sa Top Eight.
No. 9 sila sa kasalukuyan, tangan ang 4-6 win-loss record. Pero pawang five wins pa lang ang Meralco (5-3), Phoenix (5-4), Magnolia (5-5) at San Miguel Beer (5-5). At magsasalpukan pa ang mga koponan na ito.
Maghaharap pa ang Magnolia at Meralco, ganoon din ang San Miguel Beer at Phoenix.
Pero ang importante eh gawin ng FiberXers ang kanilang papel – ipanalo ang laban kontra Road Warriors at Bossing.
Paubos na ang oras. Malapit nang matapos ang eliminations. Hindi binuo ang FiberXers para makipag-patintero sa playoff spot. Naghabol sila ng maraming marquee players (Justine Baltazar, Calvin Abueva, Mikee Williams) para mag-champion. Pero bago isipin ang finals, kailangan munang manalo sa mga “must-win.”
Totoo ba ang kanilang pagbangon, o tsamba lang kontra TNT at Phoenix?
Sa PBA, hindi sapat ang “sayang” at “malapit na.” Panalo lang ang binibilang.
- Latest
















