Macau pisak sa NLEX
MANILA, Philippines — Rumagasa ang NLEX sa fourth quarter upang maitakas ang 106-97 panalo kontra sa guest team na Macau para makasosyo uli ng segunda puwesto sa PBA Season 50 Commissioner’s Cup kahapon sa Ynares Sports Center sa Antipolo.
Pambihirang 32-19 ratsada ang sinakyan ng Road Warriors tungo sa 5-1 kartada katabla ang Meralco sa likod lang ng wala pa ring kupas na Rain or Shine (6-0).
Ito na ngayon ang ikatlong sunod na panalo ng koponan ni coach Jong Uichico matapos unang kaldagin ang Phoenix, 120-112, at Barangay Ginebra, 118-113. Sa Talk ‘N Text palang natatalo ang NLEX, 103-97.
Lumambat ng 28 puntos at 18 rebounds si Cady Lalanne sahog pa ang 1 assist at 3 tapal upang trangkuhan ang dikdikang panalo ng Road Warriors.
Umalalay sa kanyang likuran sina Schonny Winston at JB Bahio na may 24 at 15 puntos, ayon sa pagkakasunod, habang nagsaboy ng muntikang triple-double na 17 puntos, 7 rebounds at 11 assists ang ace guard na si Robert Bolick.
Solido rin ang 7 at 6 na puntos na ambag nina LJay Gonzales at Kevin Alas, ayon sa pagkakasunod.
Naghahabol pa sa 74-78 ang Road Warriors pagkatapos ng 3rd quarter subalit mainit ang naging simula sa 4th quarter sakay ng 16-3 ratsada na tinuldukan ng tres ni Bolick upang makontrol ang manibela sa 90-81.
Hindi na prumeno pa ang NLEX buhat noon kahit pa muntikang abutan ng habol ng Macau sa hanggang 97-100 sa huling 55 segunda matapos ang tres ni Jenning Leung.
Sa kabutihang palad, mabilis ang naging sagot ni Winston sa maliyab na tres sa sumunod na possession tungo sa panalo.
Hindi sumapat ang 32 puntos at 11 rebounds na double-double ni Tony Mitchell para sa dayong Black Knights na wala paring panalo sa 0-7 kartada bilang kulelat ng 13-team standings.
Kapos din ang 19, 16 at 12 puntos nina Damian Chongqui, Ramon Cao at Leung at para sa Macau na natatanging koponang walang panalo sa import-laden conference ng 50th golden anniversary ng PBA bilang kauna-unahang professional basketball league sa Asya.
- Latest

















