Nuggets lusot sa Spurs via overtime

DENVER — Kumolekta si center Nikola Jokic ng 40 points, 13 assists at 8 rebounds at nagdagdag si Christian Braun ng 21 points sa 136-134 overtime win ng Nuggets sa San Antonio Spurs.
Tinapos ng Denver (50-28) ang 11-game winning streak ng San Antonio (59-19) na nakahugot kay 7-foot-4 Victor Wembanyama ng 34 points, 18 rebounds, 7 assists at 5 blocked shots.
Nag-ambag si Cameron Johnson ng 17 points para sa Nuggets na nakahugot kay Jamal Murray ng 15 points at 10 assists habang may 15 markers si Aaron Gordon.
Umiskor si Gordon sa huling 6.2 segundo sa regulation para itabla ang kanyang koponan kasunod ang mintis ni Wembanyama sa posesyon ng Spurs.
Ipinalasap ng Denver ang ikatlong kabiguan ng San Antonio sa huling 30 laro.
Naglista si Stephon Castle ng 20 points sa panig ng San Antonio at may tig-18 markers sina Devin Vassell at Julian Champagnie.
Nauna nang ibinigay ni Castle ang 57-44 abante sa Spurs mula sa kanyang three-point play sa gitna ng second quarter patungo sa 107-96 kalamangan sa fourth period.
Sa Miami, bumira si Jaime Jaquez Jr. ng 32 points at humakot si center Kel’el Ware ng 24 points, 19 rebounds at 7 blocks sa 152-136 pag-ihaw ng Heat (41-37) sa Washington Wizards (17-60).
Sa Philadelphia, tumipa si Tobias Harris ng 19 points at nagposte si Daniss Jenkins ng 16 points at 14 assists sa 116-93 panalo ng Detroit Pistons (57-21) sa 76ers (43-35).
- Latest

















