Yulo pasok sa men’s floor exercise Finals
MANILA, Philippines — Humirit ng tiket sa men’s floor exercise finals si Karl Eldrew Yulo sa Cairo Leg ng World Cup Series na ginaganap sa Cairo International Stadium sa Egypt.
Umusad sa final round ang Pinoy gymnast kung saan nagrehistro ito ng 13.900 puntos mula sa impresibong 5.400 puntos sa difficulty at 8.500 sa execution.
Sapat ang naturang puntos para okupahan ang ikalimang puwesto sa qualifying round.
Makakasama ni Yulo sa final round ang pito pang gymnasts na nagkwalipika kabilang na si top seed Arsenni Dukno ng Russia na nagsumite ng 14.533 puntos.
Pumangalawa naman sa qualifying si Camilo Vera ng Colombia na may 14.133 puntos habang ikatlo si Daniel Marinov ng Russia na may 14.000 puntos at ikaapat si Sebastian Sponevik ng Norway na may 13.933 puntos.
Pasok din sina Rayderley Zapata ng Spain (13.800), Li Hong Yan ng China (13.733) at Altynkhan Temirbek ng Kazakhstan (13.600).
Target ni Yulo na masungkit ang kanyang ikalawang gintong medalya sa World Cup Series.
Una na nitong nakuha ang ginto sa Antalya Leg ng World Cup Series sa Turkey noong nakaraang buwan kung saan nagtala ito ng 14.100 puntos.
Sunod na sasabak si Yulo sa qualifying round ng tatlo pang apparatus na vault, parallel bars at horizontal bar.
- Latest
















