Succeed at Solid paparada sa 3YO Maiden race
MANILA, Philippines — May 10 mahuhusay na kabayo ang magtatagisan ng bilis sa 3-Year-Old & Above Maiden race (Placer) na ilalarga sa pista ng Philippine Jockey Club sa Padre Garcia, Batangas ngayong araw.
Kabilang sa mga paparada sa karerahan ang magkakamping Succeed at Solid na sasakyan nina former Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee Patty Ramos Dilema at Andreu Villegas ayon sa pagkakasunod.
May distansyang 1,200 meter race, ang ibang kalahok ay ang Machine Tous, Rayhak, Danzel, Heat Bulaga, Sipocot Boy, Declarationofpeace at magka-kuwadrang Secret Hideaway at Cat Call.
Nakalaan sa nasabing karera ang P15,000 added prize para sa winning horse owner kaya asahang magiging mahigpitan ang labanan pag-arangkada ng karera na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Makakatanggap din ang breeder ng mananalong kabayo ng P4,500 habang P1,000 at P500.00 ang second at third.
Pakakawalan ang nasabing karera sa unang race sa alas-5:30 ng hapon simula ng tayaan sa forecast, daily doubles at iba pang klase ng laro.
Samantala, may pitong balanseng races ang inihanda ang pamunuan ng Philippine Jockey Club Inc. (PJCI) kaya asahang magsasaya ang mga karerista sa kanilang paglilibang.
- Latest




















