Kai importante sa Gilas rotation
MANILA, Philippines — Mahalaga ang papel ni Kai Sotto sa rotation ng Gilas Pilipinas.
Kaya naman nais ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na makasama ang 7-foot-3 cager sa mga susunod na laban nito sa FIBA World Cup Asian Qualifiers at sa iba pang international tournaments.
Tiwala naman si Cone na makababalik sa aksyon si Sotto upang mas lalo pang maging mabagsik ang kanyang tropa.
“We’re hoping Kai will get back to us at some point, maybe this upcoming window or even beyond. He’s another factor, without a doubt, and we’d love to have him,” ani Cone.
Ramdam ang pagkawala ni Sotto sa Gilas Pilipinas kung saan lumasap ang Pinoy cagers ng dalawang sunod na kabiguan sa kamay ng New Zealand at Australia sa second window ng qualifiers.
Una na ang dikit na 66-69 pagyuko ng Gilas sa Tall Blacks kasunod ang 66-93 desisyon sa kamay naman ng Boomers.
Gayunpaman, para kay Cone, hindi pwedeng umasa na lamang ang Gilas Pilipinas kay Sotto.
Kaya naman humahanap ito ng solusyon at tamang kumbinasyon sa Gilas pool upang mapunan ang puwesto ni Sotto.
“But as long as he’s not here, we can’t cry about it. We just have to keep moving forward and playing for it,” ani Cone.
Nariyan sina Filipino-American Quentin Millora-Brown, June Mar Fajardo at AJ Edu gayundin sina Justine Baltazar at Troy Rosario.
Muling makakalaban ng Gilas ang New Zealand at Australia sa third window sa Hulyo.
- Latest

















