Jazz pinasabog ng Rockets
HOUSTON -- Bumanat si Jabari Smith Jr. ng 31 points at may 20 markers si Amen Thompson sa 125-105 pagpapasabog ng Rockets sa Utah Jazz.
Ipinasok ni Smith ang una niyang limang tira at dinuplika ang kanyang career-high 14 points sa first quarter para sa Houston (35-21) na nakahugot kay Kevin Durant ng 18 points at season-high 12 assists at nag-ambag si Reed Sheppard ng 15 points mula sa bench.
Ang panalo ang nag-upo sa kanila sa third place sa Western Conference sa likod ng nagdedepensang Oklahoma City Thunder at San Antonio Spurs.
Pinamunuan ni Lauri Markkanen ang Utah (18-40) sa kanyang 29 points habang may 26 markers si Brice Sensabaugh mula sa bench.
Itinayo ng Rockets ang 38-22 abante sa first quarter bago maghulog ang Jazz ng 13-2 bomba sa pagsisimula ng second period.
Isang 18-2 atake ang iginanti ng Houston para muling lumayo sa halftime, 68-47, bago itayo ang 33-point lead sa third canto patungo sa panalo sa Utah.
Umiskor ang Rockets ng 29 fastbreak points, ngunit nakagawa ng season-high 27 turnovers na hinugutan ng Jazz ng 34 points.
Sa iba pang laro, wagi ang San Antonio Spurs sa Detroit Pistons, 114-103; at pinadapa ng Sacramento Kings ang Memphis Grizzlies, 123-114.
- Latest

















