Caloy may misyon pa para sa Pinas
MANILA, Philippines — Kung tutuusin, wala nang dapat pang patunayan si Paris Olympics gold medalist Carlos Yulo na nagbigay na ng karangalan sa bansa sa malalaking torneong nilahukan nito.
Mula sa Southeast Asian Games, Asian Championships, World Championships hanggang sa Olympic Games.
Ngunit wala pang balak huminto si Yulo at nais magpatuloy sa pagbibigay ng karangalan sa bansa.
Partikular na tinututukan nito ang 2028 Olympic Games sa Los Angeles, California kung saan dalawang korona ang ipagtatanggol nito.
“Marami pa po akong gustong ma-achieve. Hindi pa po natatapos ‘yung journey ko. Meron pang LA Olympics. After that hindi ko pa po alam if tutuloy pa po ako,” ani Yulo.
Matapos ang LA Olympics, tiwala si Yulo na makakaabot pa ito sa 2032 Brisbane Olympics.
“Pero I can see na kaya kong abutin ‘yung 2032 Olympics,” ani Yulo.
Umaasa lang si Yulo na maging healthy ito sa bawat laban nito gayundin sa pukpukang ensayo.
“I’m just really praying na maging safe ako parati sa lahat ng competitions ko and training ko,” dagdag ni Yulo.
Masaya si Yulo sa tagumpay ng mga Pilipino sa international scenes kabilang na si Alex Eala na co-Athlete of the Year sa PSA Annual Awards Night.
- Latest


















