Bokya pa rin sa EASL
Nanatiling mailap sa bansa ang East Asia Super League playoff berth matapos ang 88-79 home defeat ng Meralco Bolts sa Ryukyu Golden Kings ng Japan sa Smart Araneta Coliseum noong nakaraang gabi.
Third regular season na ng EASL, pero wala pa ring PBA team na nakakalagpas sa elimination round at nakakatungtong sa playoffs.
Bigo ang TNT at Meralco sa Season 1, ganoon din ang San Miguel Beer at Meralco sa Season 2.
At sa pangatlong pagkakataon, hindi nakaarangkada ang Bolts – natapos ang kampanya sa kanilang talo sa Ryukyu Golden Kings.
Dapa ang Bolts kahit na nakasama pa nila si Justin Brownlee at kahit na nadagdagan pa ang local cast sa pagpasok ni Jason Brickman.
Reflection ba ito ng kabuuan ng Philippine basketball sa kasalukuyan? Iwan ba talaga ang Pilipinas ng mga kalaban sa Asia? Superior ba talaga ang Japanese, Korean at Taiwanese leagues kontra PBA?
Sa EASL Season 1, champion ang Chiba Jets na sinundan ng Seoul SK Knights, Anyang Jung Kwan Jang Red Boosters at New Taipei Kings.
Sa Season 2, gold standard naman ang Hiroshima Dragonflies at runners-up ang Taoyuan Pauian Pilots, New Taipei Kings at Ryukyu Golden Kings.
Patuloy na outside de kulambo ang representante ng Pilipinas.
Siguro kung patuloy na sasali sa EASL ang PBA, dapat na maging mas seryoso sa kampanya o dapat magpursigi at maghanda.
- Latest





















