Jakucionis umeksena sa Heat
WASHINGTON — Kumonekta si Kasparas Jakucionis ng perpektong 6-for-6 shooting sa three-point range at umiskor ng 22 points para gabayan ang Miami Heat sa 132-101 pagsunog sa Wizards.
Nagtala rin si Bam Adebayo ng 22 markers at may 21 points si Norman Powell para sa Miami (28-26) na tinapos ang two-game losing skid.
Humakot si center Kel’el Ware ng 19 points at 14 rebounds habang nagdagdag si Andrew Wiggins ng 11 points at 10 rebounds.
Pinamunuan ni Tristan Vukcevic ang Washington (14-38) sa kanyang 14 points at nagsumite si Alex Sarr ng 12 points at 12 rebounds.
Laglag ang Wizards sa kanilang unang back-to-back losses matapos ang isang nine-game losing slide noong Enero 7 hanggang 24.
Bumangon ang Heat mula sa isang nine-point deficit para ilista ang 74-52 bentahe sa halftime.
Pinalaki pa ito ng Miami sa 107-75 sa third quarter kung saan nakagawa ang Washington ng 10 turnovers.
Sa Minneapolis, bumanat si Kawhi Leonard ng 41 points para pangunahan ang Los Angeles Clippers (25-27) sa 115-96 paglampaso sa Minnesota Timberwolves (32-22).
Nag-ambag sina John Collins at Yanic Konan Niederhauser ng tig-15 markers para sa Clippers.
Pinamunuan ni Anthony Edwards ang Timberwolves sa kanyang 23 points habang may 17 markers si Julius Randle.
Hindi pa naglalaro para sa Clippers sina trade deadline acquisitions Darius Garland, nakuha sa Cleveland Cavaliers kapalit ni James Harden, at Bennedict Mathurin na nagmula sa Indiana Pacers via swap.
Sa iba pang laro, wagi ang New York Knicks sa Boston Celtics, 111-89; at tinalo ng Toronto Raptors ang Indiana Pacers, 122-104.
- Latest
















