Bolts pumuwersa ng game 2

MANILA, Philippines — Kinuryente ng No. 7 Meralco ang No. 2 Rain or Shine, 96-79, upang makahirit ng Game 2 sa PBA Season 50 quarterfinals kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nagpakawala ng 35-15 ratsada sa first quarter ang Bolts at hindi na muling prumeno pa tungo sa malaking tagumpay kontra sa armado ng twice-to-beat na Elasto Painters para itulak ang do-or-die match tampok ang puwesto sa semifinals.
Muling magbabakbakan ang 2 koponan bukas sa parehong venue at ang magwawagi ay makakabante sa semis kontra sa makakalusot sa isa pang quarterfinal pairing sa pagitan ng No. 3 na Talk ‘N Text at No. 6 na Magnolia.
Umiskor ng tig-14 puntos sina Chris Newsome, CJ Cansino at Cliff Hodge upang trangkuhan ang balanseng atake ng mga bataan ni coach Luigi Trillo.
Nag-ambag naman ng tig-12 puntos sina Aaron Black at Best Player of the Game na si Jansen Rios mula sa bench habang may 9 at 8 puntos sina Raymond Almazan at Chris Banchero, ayon sa pagkakasunod.
“We started off well with a big lead but Rain or Shine is a tough team. They almost came back. We know it’s gonna be easy of us so there’s a lot of things to clean up in Game 2. Credits to our guys kasi sa elims, ganoon din ang nangyari. Natuto na kami kumbaga,” ani Trillo.
“Lumamang kami nang malaki pero they won in overtime sa elims. ROS has been this good with three straight semifinal appearances so this will not be easy.”
Nakapagtayo ng hanggang 25 puntos na bentahe ang Bolts sa unang engkuwentro nila kontra sa Elasto Painters kabilang na ang 16 puntos sa second half subalit tumiklop sa OT, 96-95.
Hindi na ito inulit ng Meralo na mangyari nang palobohin ang lamang sa hanggang 34 puntos, 56-22, tsaka pinigilan nalang ang ilang subok na balikwas ng ROS na hanggang 12 puntos, 72-84, lang nakalapit matapos ang dunk ni Gabe Norwood.
Tanging sina Adrian Nocum at Gian Mamuyac lang ang nakaiskor ng double digits sa 17 at 16 puntos, ayon sa pagkakasunod para sa mga tropa ni coach Yeng Guiao.
- Latest















